"Thank you to the author of this, whoever you are.."
Sa aming pagtanda, unawain at pagpasensyahan mo sana kami, anak. . .
Kung makatapon kami ng sabaw sa hapag kainan
O kaya makabasag ng pinggan
'Wag mo naman sana kaming kagagalitan
Dala lang yun ng kalabuan ng mata at ng namamanhid naming mga daliri. . .
Pinagalitan ka man sa mga baso't pinggang iyong nabasag noon bata ka pa,
Iyon ay dahil ayaw naming masugatan ka.
Kung ang mga sinasabi mo'y 'di maintindihan at madinig
'Wag mo naman sana kaming sabihan ng "Bingi!"
Humihina na talaga ang aming pandinig
Pakiulit lang nang malakas-lakas na 'di naman kailangang sigawan
Upang tayo ay magkaunawaan.
Kung mabagal na kaming maglakad at 'di na makasabay sa mabilis mong paglakad
Pakiantay sana at alalayan—mahihina na ang aming mga tuhod
Alalay na tulad sana nung musmuos ka pa at nag-aaral ka pa lang maglakad
Tuwang tuwa ka naming pinagmamasdan.
Kung minsang makulit at paulit ulit ang aming sinabi na parang sirang plaka,
'Wag mo sana kaming pagtawanan o kainisan
Ganyan ka rin kakulit noong bata ka pa at nag-iiyak pa--
Kapag nagpapabili ng kung anu ano’y di kami tinitigilan
Hangggang ang gusto mo'y di naibibigay.
Kung kinatatamaran namin na maligo at nag-aamoy lupa na
'Wag mo naman sanang pandirihan at piliting maligo. . .
Mahina na kasi ang aming katawan pag nalalamigan.
Natatandaan mo ba noong bata ka pa at kahit anung dungis mo
Ay masayang-masaya ka naming hinahalikan
At mat'yagang hinahabol sa ilalim ng kama upang paliguan?
Kung palagi kaming masungit at nagsisisigaw
Dala na siguro ito ng pagkabagot sa bahay
At pagkadismaya na wala nang magawa at wala nang silbi.
Ipadama mo naman sana na may halaga pa rin kami sa mundo mo
Katulad ng pagpapadama namin noon ng pagpapahalaga
At pagtutuwid sa kamalian at katigasan ng iyong ulo.
Kung may konti ka mang panahon mag kwentuhan naman sana tayo. . .
Alam kong abala ka sa hanapbuhay pero sabik na kaming makausap ka.
Gusto kong malaman mo na interesado pa rin kami sa mga kwento mo
Tulad n'ung pagbibida mo sa eskwela noong bata ka pa.
Na kahit pautal utal pa ang salita mo,
Nakikinig kaming masaya tungkol sa iyong mga laruan.
Kung kami man ay maihi o madumi sa higaaan dahil hindi na makabangon
'Wag mo sanang pagagalitan o pandididrihan.
Katulad ng walang reklamo naming paggising nang kahit anong pagod sa gabi
Upang linisin at palitan ang iyong lampin para maginghawa kang makatulog
Hindi na baling kami ang mapuyat.
Kung kami’y maratay sa banig ng karamdaman
'Wag mo sanan kaming pagsawaang alagaan
Gaya ng mat'yaga naming pag-aalaga noong musmos ka pa.
Bawat daing mo noon ay hirap na dinadala sa aming kalooban
Pagt'yagaan mo naman sana kaming alagaan sa aming mga huling sandali
Kami naman ay di na rin magtatagal.
AT kapag dumating na ang takdang panahon ng aming pagharap sa Dakilang Lumikha. . .
Ibubulong at hihilingin ko sa Kanya.Na pagpalain ka dahil naging mapagmahal at maalaga kang anak sa iyong ama’t ina.